Sunday, March 1, 2015

Puso Niyang Malaya

       *pasensya na po kung ilalabas ko na naman ang aking pagiging cheeseball*

  Masaya siya. Nakita ko siyang nakangiti doon kasabay ang mga makukulay na mga ilaw. Gusto ko sana siyang lapitan, at kausapin sa sandaling iyon. Ngunit kasama niya ang kanyang mga kaibigan, at sila’y nagtatawanan at nag-aasaran. Kaya ngumiti na lamang ako sa aking sarili, pinagmasdan ang kanyang kagandahan sa ilalim ng mapanglaw na gabi ng Disyembre, at hinayaan na lamang siya, hindi dahil ako’y nahihiya kundi dahil nakita ko siyang masaya karamay ang kanyang mga kaibigan.
        Hindi ko ibibilanggo ang kanyang puso. Hindi ko pinipilit na magkagusto siya sa akin. Hindi ko siya sinusubsob sa kalawakan ng aking pagmamahal.  Alam ko hindi niya ko gusto, at ayaw kong angkinin ang may ayaw sa akin. Luwalhati niya’y mararapatin at buong pusong tatanggapin kahit hindi ako kabilang sa ligaya ng kanyang puso.  Ayos lang kahit mga ngiti na lamang ang aming naipaparating sa isa’t isa. Minsan walang pansinan pero tinuturi ko pa rin siyang kaibigan. Minsan kailangan hayaan na lang pero  pinagdarasal ko pa rin na makamit niya ang lubos na kaligayan. Sana’y umibig at ngumiti siya ng mapayapa dahil ang puso niya’y malaya: malaya sa aking lubos na pagsinta.  

No comments:

Post a Comment